Pagprotekta Laban sa Pertussis Gamit ang
Tdap Sa Panahon ng Pagbubuntis

Ano ang pertussis?

Ang pertussis ay isang sakit na dulot ng bacteria. Nagsisimula ito sa mga sintomas na parang sipon at pagkatapos ay nagiging sanhi ito ng malubhang ubo. Ang pag-ubo ay maaaring maging napakalubha na maaaring mahirapan ka sa paghinga. Posible kang gumawa ng matinding tunog habang sinusubukan mong makakuha ng hangin.

Ang pertussis ay lubhang nakakahawa. Madali itong kumakalat sa hangin kapag umuubo ang mga taong may impeksyon. Ano ang maaaring mangyari kung ang isang sanggol ay magkaroon ng pertussis?

Ang mga sanggol, lalo na ang mga wala pang 1 taong gulang, ay maaaring malubhang magkasakit kung magkakaroon sila ng pertussis. Sa halip na umubo, maaari silang hingalin, mabulunan, o sumuka. Maaaring maging asul ang kulay ng kanilang balay dahil sa kakulangan sa oxygen. Maaaring maganap ang apnea (kapag huminto sa paghinga ang isang sanggol sa loob ng maikling panahon) at mga seizure.

Ang ilang sanggol ay nagkakaroon ng pulmonya bilang resulta ng pagkakaroon ng pertussis. Kalahati sa kanila ay kailangang pumunta sa ospital. Sa Estados Unidos, maliit na bilang ng mga sanggol ang namamatay bawat taon buhat ng pertussis.


 

Mayroon bang bakuna para maiwasan ang pertussis?

Mayroong dalawang bakuna para sa pertussis na ibinibigay sa mga magkaibang edad at sitwasyon sa buhay:

Ang DTaP ay ibinibigay sa mga sanggol at bata. Pumoprotekta ito laban sa pertussis at dalawang iba pang malubhang sakit, ang tetanus at dipterya. Makukuha ng mga sanggol ang kanilang unang dosis ng DTaP sa edad na 2 buwan, at pagkatapos ay 4 pang dosis sa edad na 4 na buwan, 6 na buwan, 15–18 buwan, at 4–6 na taon.

Ang isang booster na bakuna, na tinatawag na Tdap, ay ibinibigay sa edad na 11–12 taon.

Ang mga nasa hustong gulang na mas matanda sa 19 na taon na hindi pa nakakaranas ng Tdap ay dapat makakuha nito nang isang beses sa kanilang buhay. Maaari nitong palitan ang isa sa mga booster na bakuna para sa tetanus (Td) na ibinibigay kada 10 taon.

Ang mga buntis ay kailangang makakuha ng Tdap sa bawat pagbubuntis.

Bakit mahalaga ang pagpapabakuna laban sa pertussis gamit ang Tdap sa panahon ng pagbubuntis?

Ang mga sanggol ay hindi maaaring mabakunahan hanggang sa maging 2 buwang gulang sila. Hindi sila protektado laban sa pertussis hanggang sa makakuha sila ng bakuna. Maaari kang tumulong na protektahan ang iyong sanggol sa panahong ito sa pamamagitan ng pagkuha ng bakuna sa panahon ng pagbubuntis.

Bakit kailangan kong makakuha ng Tdap sa bawat pagbubuntis?

Kapag nakakuha ka ng Tdap, ang iyong katawan ay agad na nagsisimulang gumawa ng mga antibody. Ito ang mga protinang ginawa ng iyong immune system na tina-target ang pertussis kung nalantad ka rito.

Ang mga antibody na ito ay pumapasok sa inunan at sa daluyan ng dugo ng iyong fetus. Kapag ipinanganak ang iyong sanggol, magkakaroon siya ng sapat na antibody upang maprotektahan siya laban sa pertussis hanggang sa oras na para makakuha ng bakuna sa edad na 2 buwan. Ang pagkuha ng Tdap sa bawat pagbubuntis ay nagpapalakas ng iyong mga antibody upang mailipat ang maximum na dami nito sa iyong fetus.

Kailan ako dapat makakuha ng Tdap sa panahon ng pagbubuntis?

Ang pinakamagandang oras para makakuha ng Tdap ay sa pagitan ng 27 at 36 na linggo ng pagbubuntis. Inirerekomendang makuha mo ito nang maaga hangga't maaari sa loob ng panahong ito.

Paano kung hindi ako makakuha ng Tdap sa panahon ng aking pagbubuntis?

Maaari kang makakuha ng Tdap pagkatapos ng pagbubuntis. Ang pagpapasuso ay maglilipat ng mga antibody na ginawa mo pagkatapos mong makakuha ng bakuna sa iyong sanggol. Ngunit tumatagal nang hanggang 2 linggo para makagawa ang iyong katawan ng napakaraming dami ng antibody. Sa panahong ito, maaaring hindi ganap na protektado ang iyong sanggol laban sa pertussis. Kaya naman ang pinakamahusay na paraan upang protektahan ang iyong sanggol ay ang pagkuha ng Tdap sa bawat pagbubuntis.

Ligtas ba ang bakuna sa panahon ng pagbubuntis?

Oo. Ang pagbabakuna ng Tdap sa pagbubuntis ay napakaligtas. Ipinakita ng pananaliksik na ginawa sa nakalipas na 10 taon na ang pagkuha ng bakuna sa panahon ng pagbubuntis ay hindi nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng mga problema sa pagbubuntis o depekto sa panganganak.

Sino pa sa sambahayan ang dapat makakuha ng bakunang Tdap?

Ang lahat ng miyembro ng pamilya at tagapag-alaga na magkakaroon ng pakikipag-ugnayan sa iyong sanggol ay dapat na magkaroon din ng booster na bakunang Tdap. Kahit na nakatanggap sila ng karaniwang booster sa tetanus sa loob ng nakaraang 10 taon, dapat silang magpabakuna ng Tdap nang hindi bababa sa 2 hanggang 3 linggo bago ipanganak ang sanggol.

May mga side effect ba ang bakunang Tdap?

Ang bakuna ay may napakakaunting side effect. Maaaring mangyari ang pananakit at pamumula kung saan ibinibigay ang iniksyon. Kung ang anumang pananakit, pamumula, o pamamaga ay tumagal nang lagpas sa ilang araw, makipag-ugnayan sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan

 

Mga Mabilisang Katotohanan Tungkol sa Tdap Habang Nagbubuntis

· Ang pertussis ay isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng malubhang ubo.

· Sa mga sanggol, maaari itong maging napakamalubha. Kalahati ng mga sanggol na nagkakaroon ng pertussis ay napupunta sa ospital.

· Mayroong bakuna para sa pertussis, ngunit hindi ito makukuha ng mga sanggol hanggang na maging 2 buwang gulang sila. Maaari mong protektahan ang iyong bagong panganak sa pamamagitan ng pagpapabakuna ng bakuna sa pertussis (Tdap) kapag ikaw ay buntis.

· Upang mabigyan ang iyong sanggol ng pinakamahusay na proteksyon, kailangan mong kumuha ng Tdap sa bawat pagbubuntis. Ang pinakamainam na oras ay sa pagitan ng 27 at 36 na linggo ng pagbubuntis.

· Ang Tdap ay napatunayang ligtas sa panahon ng pagbubuntis. Hindi ito nagdudulot ng mga depekto sa panganganak o problema sa pagbubuntis.

Talasalitaan

Mga Antibody: Mga protinang ginawa ng immune system bilang tugon sa isang sangkap mula sa labas ng katawan, tulad ng isang virus. 

Bacteria: Isang grupo ng mga organismong may isang selula (mga buhay na bagay) na maaaring mabuhay sa lupa, mga halaman, mga hayop, at katawan ng tao. Marami sa mga ito ang maaaring magdulot ng sakit. 

Diphtheria: Isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng pagbabara ng ilong at lalamunan, na nagpapahirap sa paghinga. 

Immune System: Ang mga selula at organ na nagpoprotekta sa katawan laban sa mga sangkap mula sa labas ng katawan, tulad ng mga bacteria at virus.

Pertussis: Isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng matinding pag-ubo at lalong malubha para sa mga sanggol na wala pang 1 taong gulang. 

Inunan: Isang espesyal na organ na ginawa ng katawan ng isang babae sa panahon ng pagbubuntis. Pinapayagan nito ang paglipat ng mga sustansya, antibody, at oxygen sa fetus mula sa babae. Gumagawa din ito ng mga hormone na nagpapanatili sa pagbubuntis. 

Pulmonya: Isang impeksyon sa mga sac ng hangin sa baga.

Mga Seizure: Isang pagkagambala sa aktibidad ng utak na maaaring humantong sa mga pagbabago sa paggalaw o pag-uugali.

Tetanus: Isang madalas na nakamamatay na sakit na umaatake sa mga nerbiyo na kumokontrol sa mga kalamnan, lalo na ang mga ginagamit para sa paghinga.

Bakuna: Isang sangkap na naglalaman ng mga bahagi ng isang hindi aktibo o pinatay na bersyon ng isang ahenteng nagdudulot ng sakit na nagiging sanhi ng paggawa ng immune system ng isang tao ng mga antibody upang labanan ang sakit

This translation was supported by the American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) and the Centers for Disease Control and Prevention (CDC) of the U.S. Department of Health and Human Services (HHS) as a part of a financial assistance award totaling $15,000 with 100 percent funded by ACOG and CDC/HHS. The contents are those of the author(s) and do not necessarily represent the official views of, nor an endorsement, by ACOG, CDC/HHS, or the U.S. Government.