Pagbabakuna sa COVID-19 at Pagbubuntis
Ang pagbabakuna para sa COVID-19 kapag buntis ay ang pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang mga panganib ng pagkakaroon ng impeksyon sa COVID-19 para sa iyo at sa iyong sanggol. Inirerekomenda ng Samahan para sa Panggagamot ng Ina at Fetus (Society for Maternal-Fetal Medicine, SMFM), kasama ang Mga Sentro para sa Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit (Centers for Disease Control and Prevention, CDC) at iba pang eksperto sa pagbubuntis, na ang mga taong buntis, nagpapasuso, sinusubukang mabuntis ngayon, o maaaring mabuntis sa hinaharap, ay mabakunahan laban sa COVID-19.
-
Bagama't karamihan sa mga buntis na may COVID-19 ay may banayad lamang na karamdaman, humigit-kumulang 1 sa 10 ay magkakaroon ng malubhang sakit. Kung ikukumpara sa mga hindi buntis, ang mga buntis na nahawaan ng COVID-19 virus:
Ay 3 beses na mas malamang na mangangailangan ng pangangalaga sa ICU
Ay 2 hanggang 3 beses na mas malamang na mangangailangan ng maagang suporta sa buhay at tubo sa paghinga
Ay may maliit na pagtaas ng panganib na mamatay dahil sa COVID-19
Ang impeksyon sa COVID-19 ay maaari ring magpataas ng panganib ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis, kabilang ang panganganak ng patay na sanggol at maagang panganganak.
Ipinapakita ng data na ang mas matatandang buntis ang mga dati nang may kondisyon sa kalusugan, tulad ng labis na katabaan, diabetes, at mga sakit sa puso ay may mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng malubhang sakit at pagkamatay mula sa COVID-19.
-
Kung ikaw ay buntis o nagpaplanong mabuntis, isaalang-alang ang pakikipag-usap sa iyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan tungkol sa bakuna. Narito ang ilang mahahalagang puntong dapat pag-isipan:
Gumagana ang Mga Bakuna
Makakatulong ang mga bakuna na protektahan ka mula sa matinding pagkakasakit, pagkaka-ospital, atpagkamatay kung ikaw ay nagkaroon ng COVID-19.
Makakatulong ang Pagpapabakuna sa Pagprotekta sa Iyong Sanggol
Ang pagbababakuna habang buntis ay nakakatulong sa iyong immune system na lumikha ng mga anti-COVID-19 na mga antibody, na pagkatapos ay ipapasa sa fetus sa pamamagitan ng inunan. Pinoprotektahan ng mga antibody na ito ang iyong sanggol mula sa malubhang sakit na COVID-19 at pagkaka-ospital hanggang sa mabakunahan sila sa edad na 6 na buwan.
Ang Mga Bakuna ay Hindi Nakakapasok sa Inunan o Nakakaapekto sa Kakayahang Magkaanak sa Hinaharap
Ang kasalukuyang mga bakuna sa COVID-19 ay hindi mga buhay na bakuna. Ang mga bakuna ay hindi pumapasok sa inunan dahil ang mga ito ay mabilis na nasisira ng kalamnan kung saan ibinigay ang mga ito. Tandaan—tinutulungan ng bakuna ang iyong katawan na gumawa ng mga pamproteksiyon na antibody, na tumatawid sa inunan at tumutulong na protektahan ang iyong sanggol pagkatapos nilang ipanganak.
Walang katibayan na ang mga bakuna ay nakakaapekto sa kakayahang magkaanak sa hinaharap.
-
Maaari kang mabakunahan anumang oras sa panahon ng pagbubuntis. Hindi na kailangang maghintay hanggang sa bandang dulo ng iyong pagbubuntis upang mabakunahan. Ipinapakita ng sumusunod na impormasyon ang mga makukuhang bakuna at ang mga inirerekomendang dosis na dapat mayroon ka sa 2024-2025 batay sa iyong kasaysayan ng pagbabakuna sa COVID-19:
Kung HINDI ka pa nagkaroon ng bakuna para sa COVID-19:
Bakuna: | Bilang ng mga dosis na makukuha sa 2024-2025 | Oras ng paghihintay sa pagitan ng mga dosis |
---|---|---|
Moderna, O | 1 | N/A |
Pfizer, O | 1 | N/A |
Novavax (para sa mga edad na 12 at mas matanda lang) | 2 | 3-8 linggo sa pagitan ng dosis 1 at 2 |
Kung nakatanggap ka dati ng 1 o higit pang mga dosis ng isang bakuna para sa COVID-19:
Bakuna: | Bilang ng mga dosis na makukuha sa 2024-2025 | Oras ng paghihintay sa pagitan ng mga dosis |
---|---|---|
Moderna, O | 1 | 8 linggo o higit pa makalipas ang huling dosis |
Pfizer, O | 1 | 8 linggo o higit pa makalipas ang huling dosis |
Novavax (para sa mga edad na 12 at mas matanda lang) | 1 | 8 linggo o higit pa makalipas ang huling dosis |
-
Maaaring mangyari ang mga side effect sa unang 3 na araw pagkatapos mabakunahan. Kabilang dito ang banayad hanggang katamtamang lagnat, pananakit ng ulo, at pananakit ng kalamnan. Maaaring mas malala ang mga side effect pagkatapos ng pangalawang dosis ng mga bakuna ng Moderna at Pfizer. Dapat iwasan ang lagnat sa panahon ng pagbubuntis, lalo na sa unang tatlong buwan. Ang Acetaminophen (Tylenol) ay nirerekomenda kung nakapagpabakuna ka at nagkaroon ka ng lagnat. Ang gamot na ito ay ligtas sa panahon ng pagbubuntis at hindi ito nakakaapekto sa kung paano gumagana ang bakuna.
Ang CDC, kasama ang iba pang kasosyong pederal, ay sinusubaybayan ang mga taong nabakunahan para sa mga malubhang side effect. Matutulungan mo ang pagsisikap na ito sa pamamagitan ng pag-sign up para sa V-safe, isang programang sumusubaybay sa mga taong nabakunahan. Walang nangyaring hindi inaasahang pagbubuntis o problema sa sanggol. Walang ulat ng anumang mas mataas na panganib ng pagkawala ng pagbubuntis, problema sa paglaki, o depekto sa kapanganakan.
The CDC, along with other federal partners, is monitoring people who have been vaccinated for serious side effects. You can help this effort by signing up for V-safe, a program that monitors people who’ve been vaccinated. No unexpected pregnancy or fetal problems have occurred. There have been no reports of any increased risk of pregnancy loss, growth problems, or birth defects.
Maiikling Kaalaman
Ang pagbabakuna sa COVID-19 sa panahon ng pagbubuntis ay nagpapababa ng panganib ng malubhang sakit para sa ina at sanggol.
Ang pagbababakuna habang buntis ay nakakatulong sa iyong katawan na lumikha ng mga anti-COVID-19 na mga antibody, na pagkatapos ay ipapasa sa fetus. Pinoprotektahan ng mga antibody na ito ang iyong sanggol mula sa malubhang sakit na COVID-19 at pagkaka-ospital hanggang sa mabakunahan sila sa edad na 6 na buwan.
Ang mga bakuna ay hindi tumatawid sa inunan o nakakaapekto sa kakayahang mabuntis.
Maaari kang mabakunahan para sa COVID-19 anumang oras sa panahon ng pagbubuntis.
Ang bakuna sa COVID-19 ay maaaring magdulot ng banayad na epekto, tulad ng lagnat o sakit ng ulo. Ligtas na gamitin ang acetaminophen kung kinakailangan.
Talasalitaan
Mga Antibody: Mga protinang ginawa ng immune system bilang tugon sa isang sangkap mula sa labas ng katawan, tulad ng isang virus.
Immune system: Ang mga selula at organ na nagpoprotekta sa katawan laban sa mga sangkap mula sa labas ng katawan, tulad ng mga bacteria at virus.
Inunan: Isang espesyal na organ na nabubuo sa panahon ng pagbubuntis. Pinapayagan nito ang paglipat ng mga sustansya, antibody, at oxygen sa fetus. Gumagawa din ito ng mga hormone na nagpapanatili sa pagbubuntis.
Ang dulugang ito ay suportado ng kasunduang pagtutulungan ng Society for Maternal-Fetal Medicine (SMFM) at Centers for Disease Control and Prevention (CDC) CDC-RFA-DD-23-0004 Enhancing Partnerships to Address Birth Defects, Infant Disorders and Related Conditions, and the Health of Pregnant and Postpartum People. Ang mga pananaw na pinahiwatig ng mga may-akda ay hindi kailangang sumalamin sa mga opisyal na patakaran ng Department of Health and Human Services o kumakatawan sa pag-endorso ng Pamahalaan ng U.S..
In-update Oktubre 2024